Naghain ng mosyon sa International Criminal Court (ICC) ang kampo ng dating Pangulong Rodrigo Duterte upang ipawalang-bisa ang pagkakatalaga sa tatlong bagong legal na kinatawan ng mga biktima sa imbestigasyon kaugnay ng war on drugs, dahil sa alegasyon ng conflict of interest.
Sa 11-pahinang mosyon na inihain noong Pebrero 11, hiniling ng kanyang abogado na si Nicholas Kaufman sa Pre-Trial Chamber I na alisin sina Joel Butuyan, Gilbert Andres, at Nicolene Arcaina bilang Common Legal Representatives ng mga biktima. Ayon sa depensa, may mga indikasyon umano ng pagkiling ang mga nabanggit na abogado.
Iginiit ng kampo ni Duterte na isa sa mga itinalagang kinatawan ay naglabas ng pahayag sa media na bumabatikos sa kanilang legal na estratehiya at nagpahayag ng opinyon hinggil sa mga paratang laban sa dating pangulo. Bukod dito, binanggit din na si Arcaina ay dating staff lawyer ng CenterLaw Philippines, organisasyong matagal nang may kaugnayan kina Butuyan at Andres—isang ugnayang ayon sa depensa ay maaaring magdulot ng pagdududa sa pagiging patas ng proseso.













