-- ADVERTISEMENT --

Narekober ng isang grupo ng mga mangingisda sa karagatang sakop ng Puerto Princesa City ang hinihinalang rocket debris na pinaniniwalaang bahagi ng rocket na inilunsad ng China noong Enero 19.

Natagpuan ang naturang debris humigit-kumulang 8 nautical miles sa silangan ng lungsod.

Ayon kay City Councilor Elgin Robert Damasco, namataan ng mga mangingisda ang debris habang sila ay nasa laot.

Batay sa kanilang salaysay, nasa dagat na sila nang maganap ang rocket launch at nakita nilang bumagsak ang debris sa tinatayang 2 nautical miles mula sa kanilang kinaroroonan, dahilan upang magdulot ng pangamba sa kanilang kaligtasan.

Agad namang isinuko ng mga mangingisda ang narekober na rocket debris sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) para sa wastong pagsusuri at disposisyon.

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa mga mangingisda na mag-ingat at agad mag-report ng kahalintulad na insidente upang matiyak ang kaligtasan sa karagatan.