Nagbabala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pananagutin ang sinumang mapapatunayang nagpabaya kaugnay ng pagguho ng Binaliw Sanitary Landfill, habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Ayon sa DENR, opisyal nang binuo ang isang composite team na mangunguna sa malalimang pagsisiyasat upang tukuyin ang sanhi ng pagguho, lawak ng pinsala sa kapaligiran, at kung nasunod ang Environmental Compliance Certificate (ECC) at iba pang safety standards.
Pinamumunuan ni Assistant Secretary Norlito Eneran ang grupo na binubuo ng mga eksperto mula sa academe, engineering, DENR, civil society, at mga non-government organizations.
Bukod sa fact-finding, inatasan din ang team na maghanda ng rehabilitation plan, tukuyin ang mga alternatibong disposal sites, at bumuo ng mas matibay na solid waste management strategy para sa lugar.
Samantala, binigyang-diin ni DENR Secretary Raphael Lotilla na pangunahing prayoridad ng ahensya ang kaligtasan ng mga residenteng nakatira malapit sa landfill habang hinihintay ang pinal na resulta ng imbestigasyon.













