Naglaan ang pambansang pamahalaan ng ₱100 milyong pondo para sa konstruksyon ng isang convention center sa lungsod ng Koronadal.
Ito ang inihayag ni South Cotabato 2nd District Congressman at Senior Deputy Speaker Ferdinand “Dinand” Hernandez sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Hernandez, layunin ng itatayong convention center na makapag-accommodate ng malaking bilang ng mga seminar, convention, at training na isasagawa sa lungsod.
Aniya, mahalaga ang naturang pasilidad upang masuportahan ang patuloy na paglago at pag-unlad ng Koronadal.
Dagdag pa ng mambabatas, dahil sa mabilis na pag-unlad ng lungsod, kinakailangan ding magtayo ng mga imprastrakturang magbibigay ng direktang benepisyo sa mga ordinaryong mamamayan.
Samantala, inihayag din ni Hernandez na nadagdagan ng ₱20 milyon ang pondong inilaan para sa pagpapalawak ng City Health Office ng lungsod, bilang bahagi ng pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan.
Tiniyak naman ni Hernandez na patuloy niyang gagawin ang lahat ng hakbang upang maihatid sa mamamayan ang maayos na serbisyo at nararapat na mga benepisyo.













