Binawian ng buhay ang isang lalaki matapos magkasagupa ang dalawang grupo sa Barangay Bulol, Ligawasan, Special Geographic Area sa Sarangani kagabi.
Ayon sa ulat ng Ligawasan Municipal Police Station, naganap ang pitong oras na armadong engkwentro bandang alas-9:35 ng gabi ng Enero 29, 2026, at naIulat sa pulisya bandang alas-4:30 ng umaga ngayong Enero 30.
Ang labanan ay sa pagitan ng grupo nina Commander Ismael Kulong Lidasan at Commander Makaalay Guiamil Takubungan.
Sa kasamaang palad, nasawi si Rambo Talayan, may legal na edad at may asawa na kabilang sa nangyaring engkwentro.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na ang insidente ay nag-ugat sa rido sa pagitan ng dalawang grupo.
Dahil sa delikadong lokasyon, hindi agad makapunta ang mga tauhan ng Ligawasan MPS.
Ngunit bandang alas-5 kaninang umaga, nakapagresponde ang pulisya kasama ang 40th Infantry Battalion Alpha Company, BLGU, at LGU upang magsagawa ng imbestigasyon at masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Sa ngayon, patuloy ang presensya ng pulisya at AFP sa lugar upang maiwasan ang muling paglala ng karahasan, at hinihikayat ang mga residente na manatiling alerto.













