Naghain ng notice of appeal ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) upang ipawalang-bisa ang desisyon na tanggihan ang kanyang interim release o pansamantalang pagpapalaya.
Sa isang anim na pahinang dokumento na may petsang Enero 28, iginiit ng kampo ni Duterte ang agarang pansamantalang paglaya ng dating pangulo, sa ilalim ng mga kondisyong maaaring ipatupad ng isang state party ng international court.
Binigyang-diin din ng kampo na nagkamali umano ang Pre-Trial Chamber I dahil hindi nito isinasaalang-alang ang medical report na kanilang isinumite.
Ayon pa sa kanila, malinaw na ipinapakita sa medical report ang patuloy na paglala ng kalagayang pangkalusugan at paghina ng cognitive condition ng dating pangulo.













