Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, ang naging pasya ng Korte Suprema hinggil sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay isang hayagang panghihimasok sa kapangyarihang nakatalaga sa Kongreso.
Sinabi ni Sotto na mali umano ang naging pagbasa ng Korte Suprema sa Konstitusyon at aniya’y lumalampas ito sa saklaw ng kapangyarihan ng hudikatura, na maituturing na judicial overreach.
Binigyang-diin pa niya na posibleng tumagal ng ilang dekada bago maituwid o mabago ang ganitong uri ng interpretasyon sa Saligang Batas.
Matatandaang noong Hulyo 2025, ipinahinto ng Korte Suprema ang isinasagawang impeachment trial laban kay Duterte, matapos igiit na nilalabag nito ang probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa higit sa isang impeachment laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.













