Halos mapuno na ang sanitary landfill ng Koronadal, na umaabot na sa 90 hanggang 93 porsiyento ng kapasidad nito, ayon kay Augustus Bretaña, City Environment and Natural Resources Officer, sa isang panayam sa Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Bretaña, hindi natugunan ang naunang projection na may tatlo hanggang limang taon o lima hanggang walong taon na lifespan ang landfill.
Bagama’t dalawang taon pa lamang ang nakalipas mula nang ito’y buksan, halos napuno na ito ng basura.
Binanggit din niya na isa sa mga dahilan ng mabilis na pagdami ng basura ay ang kakulangan ng interbensyon tulad ng praktis ng reduce, reuse, at recycle.
Aniya, patuloy ang kanilang hakbang upang maghanap ng karagdagang lugar na puwedeng gawing sanitary landfill.
Nanawagan si Bretaña sa mga residente ng Koronadal na pagsikapan pang mas maayos na segregasyon ng basura upang mabawasan ang mabilis na pagdami ng basura sa kasalukuyang landfill habang naghahanap ng bagong lugar para dito.













