-- ADVERTISEMENT --

Isang lalaki sa India ang naging usap-usapan matapos matuklasang mayroon siyang kabuuang 28 daliri sa kamay at paa, isang bihirang kondisyong medikal na kilala bilang polydactyly.

Ang lalaki ay kinilalang si Devendra Suthar, isang karpintero, na may tig-pitong daliri sa bawat kamay at paa, sa halip na karaniwang tig-lima lamang. Dahil dito, naging katuwaan siya ng kanyang mga kasamahan sa trabaho.

Ayon sa mga ulat, ang polydactyly ay isang congenital condition o depektong likas na taglay mula pagsilang, kung saan ang isang tao ay ipinapanganak na may sobrang daliri.

Karaniwan, isa lamang ang dagdag na daliri sa isang kamay o paa, kaya itinuturing na napakabihira ang kaso ni Suthar na may dalawang extra na daliri sa bawat kamay at paa.

Sa kabila ng kanyang kakaibang kondisyon, hinahangaan si Suthar ng kanyang mga kasamahan dahil sa kanyang husay at detalye sa paggawa bilang karpintero.

Ayon sa ilan, maselan at pulido ang kanyang mga proyekto, at may mga nagsasabing posibleng nakatutulong ang kanyang dagdag na mga daliri sa kanyang trabaho.

Batay sa mga pag-aaral, ang polydactyly ay kadalasang hindi delikado sa kalusugan at hindi nangangailangan ng operasyon maliban na lamang kung nakaaapekto ito sa galaw o nagdudulot ng pananakit.

Sa maraming kultura, ang mga taong may ganitong kondisyon ay minsang itinuturing na may kakaibang kakayahan o suwerte.

Sa kaso ni Suthar, sa halip na maging hadlang, ang kanyang kondisyon ay tila naging bahagi ng kanyang pagkakakilanlan at propesyonal na tagumpay.