-- ADVERTISEMENT --

Nadagdagan ang bilang ng sundalong nasawi sa engkwentro ng militar laban sa mga teroristang grupo sa Maguindanao del Sur.

Kinumpirma ng 6th Infantry (Kampilan) Division at ng Joint Task Force Central ang pagkasawi ng sundalo sa sagupaan kontra sa mga elemento ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group (DI-HG) sa bayan ng Datu Hoffer Ampatuan.

Batay sa ulat ng militar, siya ay si Corporal Junie C. Mangalay Jr., kasapi ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion at residente ng Tupi, South Cotabato.

Napag-alaman na napahiwalay si Cpl. Mangalay sa kanyang yunit matapos siyang manguna sa pag-assault habang isinasagawa ang operasyon laban sa armadong grupo na umano’y may planong magsagawa ng karahasan sa lugar.

Isinagawa ng mga tropa ng 90IB ang decisive military operations sa Sitio Bagurot, Barangay Tuayan Mother, noong Martes, Enero 27, 2026, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng Kampilan Division upang sugpuin ang mga banta sa kapayapaan at seguridad ng mga sibilyan.

Patuloy ang operasyon ng militar upang panagutin ang mga responsable sa engkwentro at pigilan ang anumang tangkang karahasan, kasabay ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at komunidad sa Maguindanao del Sur.