Lumabas sa mga dokumentong inihain sa Korte Suprema na si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co ay nasa Nacka, Stockholm, Sweden noong Enero 15, 2026.
Pinatotohanan ang impormasyong ito sa pamamagitan ng kanyang lagda at pagkakakilanlan na kalakip ng petisyong isinampa niya laban kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sa kanyang petisyon, humihiling si Co ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng resolusyon na nagrerekomenda ng pagsasampa ng mga kasong graft at malversation laban sa kanya.
Samantala, mayroon ding nakabinbing warrant of arrest laban kay Co na inisyu ng Sandiganbayan kaugnay ng umano’y iregularidad sa P289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Ayon sa kanyang mga abogado, umalis si Co ng bansa noong Hulyo 19, 2025 para sa medical leave. Gayunman, hindi na umano siya nakabalik sa Pilipinas dahil sa mga banta sa kanyang buhay.













