-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Ligtas at walang dapat ikabahala sa nakitang bitak sa kanang bahagi ng City Hall building ng Koronadal matapos yumanig ang sunod-sunod na lindol ngayong araw ng Huwebes, Enero 28,2026.

Ito ang ipinasiguro ni Engr. Ruel Tianchon, City Engineer ng Koronadal sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Tianchon, matapos maramdaman kanina ang lindol ay agad na ipinag-utos ni CDRRMO Cyrus Urbano ang mabilis na pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment sa gusali.

Ipinaliwanag ni Tianchon na sa kanilang pagsusuri, ang City Hall ay ligtas at matibay ang estruktura. Ang mga nakitang bitak ay tinatawag na false column – matatagpuan lamang sa mga hollow blocks na bahagi ng architectural o aesthetic elements ng gusali, na ginawa para sa simetrya at disenyo. Ang mga poste at pangunahing structural components ng gusali ay solid at ligtas, kaya hindi nanganganib ang kabuuang integridad ng City Hall.

“Ang mga bitak sa mga joints at hollow blocks ay karaniwan sa technical term ng engineering,” paliwanag ni Tianchon.”

Dagdag pa niya, ang mga poste, sahig, at pangunahing support elements lamang ang kapag may diperensiya ay maaari nang i-rekomenda na huwag gamitin. Sa kasalukuyan, wala namang naiulat na panganib sa estruktura.

Kasabay nito, nanawagan ang opisyal sa lahat na iwasan na ang pagpapakalat ng maling impormasyon.

Mas maigi umano na itanong sa kanilang tanggapan upang malinaw at maging ligtas ang lahat.

Kasabay din nito, pinayuhan niya ang publiko at mga empleyado ng City Hall na manatiling kalmado at sumunod sa mga abiso ng lokal na awtoridad habang nagpapatuloy ang monitoring ng gusali.