-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY –   Nagpatupad ng suspension ng trabaho at klase ang mga lokal na pamahalaan sa Sultan Kudarat at South Cotabato kasunod ng sunod-sunod na lindol, kung saan ang pinakamalakas ay nasa magnitude 5.9, ayon sa Earthquake Information No. 2 na inilabas nitong January 28, 2026, bandang alas-2:46 ng hapon ng PHIVOLCS.

Ayon sa PHIVOLCS, ang lindol ay may lalim na apat na kilometro at ang sentro ay naitala sa 40 kilometro timog-kanluran ng Kalamansig, Sultan Kudarat. Naramdaman ang Intensity V sa Kalamansig at Lebak, Sultan Kudarat, gayundin sa Manay, Davao Oriental, habang Intensity IV naman sa ilang bayan at lungsod sa Davao Oriental.

Kaugnay nito, nagpalabas ng direktiba si Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali Mangudadatu at South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na suspendihin ang trabaho at klase, at tiyakin ang kahandaan ng mga disaster response teams, kabilang ang preemptive evacuation sa mga baybaying lugar.

Sa lungsod ng Koronadal, agad din na nagpatupad ng work suspension ayon sa direktiba ni Mayor Eliordo Ogena.

Sinabi ni CDRRO Cyrus Urbano sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal na kinakailangang masiguro ang kaligtasan ng mga empleyado, estudyante, at guro kasabay ng paalala sa lahat na manatiling alerto, vigilante, at kalmado upang maiwasan ang kapahamakan.

Bukod dito, may ilang mga pasyente sa ospital ang nagpanic at pansamantalang lumabas nang maramdaman ang malalakas na pagyanig, subalit ayon sa mga awtoridad, wala namang naiulat na malubhang pinsala o nasaktan.

Una rito, ipinaliwanag ng PHIVOLCS, na ang sunod-sunod na lindol sa Kalamansig at kalapit na mga lugar ay sanhi ng galaw ng Cotabato Trench na maituturing na seismic swarm, kung saan mahigit 1,200 lindol na ang naitala mula nang magsimula ang aktibidad.

Dagdag ng PHIVOLCS na sa ganitong sitwasyon ay kailangan na mga residente na manatiling kalmado ngunit alerto, sumunod sa mga earthquake safety measures, at makinig lamang sa opisyal na abiso mula sa PHIVOLCS at lokal na awtoridad.

Sa ngayon, wala pang naitalang malawakang pinsala, maliban sa mga evacuees ngunit patuloy ang paalala ng PHIVOLCS na maging handa sa posibleng mas malakas na pagyanig habang nagpapatuloy ang seismic activity sa lugar.