-- ADVERTISEMENT --

Nagdadalamhati ngayon ang Lokal na Pamahalaan ng Parang, Sulu sa mga naulilang pamilya ng isang principal mula sa Pangutaran, Sulu, na pumanaw sa trahedya ng M/V Trisha Kerstin 3.

Kagabi, dumating sa Port of Jade of the Sea sa Tanjung Indanan, Sulu, ang tatlong bangkay sakay ng jungkung boat.

Positibong nakilala ang biktima na si Nurunnihar Burahan Lee, 63 anyos at dalawa pang indibidwal mula sa Pangutaran, Sulu.

Ayon kay Mayor Alkhadar T. Loong, ang nakakabagbag-damdaming pangyayaring ito ay nagdulot ng matinding kalungkutan hindi lamang sa kanilang mga pamilya kundi sa buong komunidad. Aniya, patuloy silang nakikiisa sa nagdadalamhating pamilya sa panahong ito.

Si Principal Lee ay School Head ng Silangkan Elementary School, Parang West District, at kabilang sa mga sakay ng barko nang ito ay lumubog noong madaling araw ng Lunes sa karagatang sakop ng Pilas, Basilan.

Sa tugon sa trahedya, nakipag-ugnayan at nagtulungan ang LGU Parang MDRRMO, PDRRMO, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Red Cross, MSSD, Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at MDRRMO–Jolo sa pagbibigay ng agarang tulong, rescue, at recovery operations para sa mga biktima.

Ayon sa LGU, ang kanilang sama-samang pagsisikap ay sumasalamin sa diwa ng pagkakaisa, malasakit, at dedikasyon sa serbisyo publiko sa panahon ng krisis.

Naniniwala ang Municipal Government of Parang na ang buong komunidad ay nakikiisa sa nagdadalamhating pamilya sa panahong ito ng matinding lungkot.