-- ADVERTISEMENT --

Koronadal City – Nanawagan ng tulong pinansyal ang tiyahin ng isang 23-anyos na lalaki na nagtamo ng matinding paso matapos umanong buhusan ng gasolina ang sarili at sindihan, ayon sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon sa Manang Marilyn, wala silang kaalaman kung may dinadalang problema ang kanyang pamangkin na si “Ker-Ker.”

Aniya, nang kumuha ito ng gasolina ay hindi nila napansin na may dala rin pala itong lighter, dahilan upang maganap ang insidente.

Dagdag pa ni Manang Marilyn, posible umanong naapektuhan si Ker-Ker ng hindi pagsang-ayon ng kanyang ama na makipagkita ito sa kanyang nobya, na maaaring naging dahilan ng kanyang ginawang aksyon bago ang insidente.

Agad namang isinugod ang biktima sa isang ospital upang mabigyan ng agarang medikal na atensyon.

Sa kasalukuyan, patuloy ang kanyang gamutan, subalit nahihirapan umano siyang kumain at gumalaw dahil sa tindi ng mga paso na kanyang tinamo.

Nanawagan ang pamilya ng tulong mula sa mga may mabubuting loob dahil patuloy na nangangailangan ng mga gamot ang biktima para sa kanyang mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa tiyahin, dumaranas din ng sunod-sunod na pagsubok ang kanilang pamilya, kaya’t malaking tulong ang anumang maibibigay para sa patuloy na pagpapagamot ng biktima.