KORONADAL CITY – Personal grudge ang tinitingnang dahilan ng mga otoridad sa nangyaring pananambang sa alkalde ng Shariff Aguak sa Barangay Mother Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, kahapon, Enero 25, 2026.
Sa inilabas na report ng Maguindanao del Sur Police Province Office, ligtas ang alkalde maliban sa dalawang escort nitong nasugatan na sina PFC Manuel Arcega Dondiego at Lakman Eso Tips.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, habang binabaybay ng convoy ng alkalde ang nabanggit na lugar ng bigla silang pinasabogan ng umanoy RPG ngunit maswerteng hindi tumama sa sasakyan.
Dito na gumanti ng putok ang mga escort ng alkalde na nauwi sa barilan hanggang sa masugatan ang dalawang escort ngunit ganun pa man ay nagawa nilang mapa-atras ang mga gunmen na sakay ng puting minivan.
Dahil sa nangyari agad na rumesponde ang tropa ng Sharif Aguak MPS sa lugar maging ang tropa ng mga sundalo na nauwi sa pursuit operation na ikinamatay ng suspek.
Ang mga ito ay kinilalang sina alyas “Rap-Rap,” nasa hustong gulang at residente ng Barangay Meta, Datu Unsay; Alyas Teks, nasa hustong gulang at residente rin ng nasabing barangay; at isang indibidwal na kinikilala lamang sa alyas na “Puasa.”
Batay sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang tumakas ang mga nabanggit na indibidwal mula sa Shariff Aguak matapos ang insidente ng pamamaril at pananambang.
Inaalam pa rin sa ngayon kung anong grupo kaanib ang nabanggit na mga suspek sa pananambang.
Ipinahayag naman ni LtCol. Ronald Suscano, ang spokesperson ng 6TH Infantry Division Phillipine Army na patuloy nilang tinututokan ang naturang insidente at naka-alerto rin sila upang mapanatili ang peace and order sa naturang lugar.
Panawagan din ni Suscano kay Mayor Ampatuan na resolbahin agad ang problema sa alitan sa nabanggit na pamilya upang hindi na mangyari pa ang pananambang.













