Isang apartment sa Trois-Rivières ang naging parang ice rink matapos patayin ng tenant ang heater bago umalis para magbakasyon sa gitna ng matinding taglamig sa nasabing lugar.
Ayon sa may-ari na si Jacques Nault, nadatnan na lamang niya ang kanyang paupahan na tila isang ice castle nang bumalik mula sa bakasyon ang tenant.
Nabuo ang yelo sa mga pader, kisame, muwebles, at mga appliances, at umabot sa mahigit 30 sentimetro ang kapal ng yelo sa sahig.
Samantala, pumutok din ang mga tubo dahil sa sobrang lamig na naging sanhi ng pagbaha sa apartment.
Tinataya ni Nault na maaaring umabot sa sampu-sampung libong dolyar ang gastos sa pagkukumpuni ng pinsalang idinulot ng labis na pagtitipid ng tenant sa kuryente.
Sa kasalukuyan, pinaalis na ni Nault ang tenant mula sa apartment noong Enero 5, ngunit hindi pa malinaw kung magsasampa siya ng kaso laban dito upang mabawi ang ginastos sa pagkukumpuni ng kanyang ari-arian.













