-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — May posibilidad umanong hindi umusad ang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa dami at lakas ng kanyang mga tagasuporta, ayon kay Retired Judge Balo, Provincial Legal Officer ng Sultan Kudarat.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Judge Balo na mahaba at masusing proseso ang daraanan ng mga impeachment complaint na inihain laban kina Pangulong Marcos at Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Aniya, kinakailangang suriin muna ng mga kinauukulang komite kung may sapat na batayan ang mga reklamo bago ito tuluyang umusad.

Ipinaliwanag din ni Balo na ang naunang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay idineklarang unconstitutional dahil sa kakulangan ng ebidensya na susuporta sa mga alegasyon.

Dagdag pa niya, may malaking posibilidad na ma-dismiss din ang mga kasalukuyang impeachment complaint laban sa Pangulo at Bise Presidente dahil umano sa hindi pagsunod ng mga ito sa mga requirements na itinakda ng Korte Suprema.

Binigyang-diin ni Judge Balo na mahalagang igalang ang proseso ng batas at tiyakin na ang anumang hakbang laban sa mga opisyal ng pamahalaan ay nakabatay sa malinaw na ebidensya at naaayon sa Konstitusyon.