-- ADVERTISEMENT --

Dalawang katao ang nasawi at ilang iba pa ang pinangangambahang nalibing matapos ang mga landslide sa North Island ng New Zealand.

Ang mga nasawi ay iniulat sa Welcome Bay, habang patuloy namang sinusuyod ng mga rescue worker ang mga guho sa isa pang lugar, isang tanyag na campground sa Mount Maunganui.

Ayon sa mga awtoridad, wala pang nakikitang palatandaan ng buhay sa lugar ng paghahanap.

Wala silang ibinigay na karagdagang detalye maliban sa impormasyong kabilang sa mga nawawala ang hindi bababa sa isang batang babae.

Ang mga landslide ay dulot ng malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw, na nagdulot din ng pagbaha at pagkawala ng kuryente sa iba’t ibang bahagi ng North Island.

Ayon sa isang ministro, ang silangang baybayin ng rehiyon ay mistulang war zone o lugar na winasak ng digmaan.

Ipinapakita sa mga kuha mula sa campground sa Mount Maunganui, isang hindi aktibong bulkan, ang isang napakalaking pagguho malapit sa paanan ng bulkan.

Makikita ang mga rescuer at sniffer dog na masusing naghahalughog sa mga nadurog na caravan at mga nawasak na tolda.

Sinabi ng mga awtoridad na magpapatuloy ang search and rescue operations hanggang sa gabi.

Ang Mount Maunganui ay isang sagradong lugar para sa mga Māori at isa sa pinakasikat na campground sa New Zealand.

Inilalarawan pa ito ng isang lokal na holiday website bilang isang “slice of paradise.”

Gayunpaman, ilang beses na rin itong tinamaan ng landslide sa mga nagdaang taon.