Umakyat na sa mahigit 5,000 katao ang nasawi sa mga patuloy na protesta sa Iran, kabilang ang higit 500 miyembro ng security forces, ayon sa isang lokal na opisyal.
Samantala, sinabi ng US-based human rights group na Human Rights Activists in Iran (HRANA) na 3,308 na ang kumpirmadong namatay, habang 4,382 pang kaso ang patuloy na sinusuri. Mahigit 24,000 katao naman ang naaresto kaugnay ng mga kilos-protesta.
Ipinapakita ng mga video at ulat ang marahas na pagpigil ng mga pwersa ng estado sa mga demonstrasyon, na karamihan ay binubuo ng mga kabataan.
Pinakamataas ang bilang ng mga nasawi sa Kurdish region sa hilagang-kanlurang bahagi ng bansa, kung saan aktibo ang mga armadong grupo.
Matatandaang nagsimula ang mga protesta noong Disyembre 28 dahil sa lumalalang krisis sa ekonomiya at kalaunan ay lumawak bilang panawagan sa pagbuwag ng kasalukuyang rehimen.
Sa kabila nito, iginiit ni Supreme Leader Ayatollah Ali Khamenei na pananagutin ang mga responsable sa kaguluhan, habang pinanindigan ng pamahalaan ng Iran na ang Estados Unidos at Ukraine umano ang nasa likod ng mga kaguluhang naganap sa bansa.













