-- ADVERTISEMENT --

Pumalo na sa 16 katao ang nasawi matapos ang malawakang pagpanalasa ng mga wildfire sa Chile.

Dahil sa lumalalang sitwasyon, inanunsyo ni Chilean President Gabriel Boric ang pagpapatupad ng state of catastrophe sa mga rehiyon ng Ñuble at Biobío upang mapabilis ang pagresponde at pagdeploy ng mga yaman ng gobyerno.

Ayon sa mga ulat, mahigit 20,000 indibidwal ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan upang makaiwas sa panganib, habang higit 250 kabahayan ang tuluyang nawasak ng apoy.

Tinatayang umabot na sa 8,500 ektarya ng lupain sa dalawang rehiyon ang tinupok ng sunog, kabilang ang mga residential area at lupang sakahan.

Sinabi ng mga awtoridad na ang patuloy na matinding init ng panahon na nararanasan sa bansa ang pangunahing dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy.

Patuloy ang operasyon ng mga bombero at rescue teams upang maapula ang mga natitirang sunog at matiyak ang kaligtasan ng mga residente, habang nagpapatuloy rin ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong komunidad.