Posibleng nagmula sa Yellow Sea sa China ang iodine-129 na nadetect sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa pag-aaral ng University of the Philippines Marine Science Institute (UP MSI).
Sinabi ng mga mananaliksik na ang isotope, na kadalasang ginagamit bilang indicator ng nuclear activity, ay maaaring nakarating sa Pilipinas sa pamamagitan ng ocean currents, partikular ang Yellow Sea Coastal Current at Chinese Coastal Current, bagama’t kinakailangan pa ng karagdagang oceanographic modeling upang kumpirmahin ang ruta nito.
Ayon sa UP MSI, mas mataas ang konsentrasyon ng iodine-129 sa WPS kumpara sa ibang bahagi ng Pilipinas, kahit na walang nuclear power plant o nuclear weapons program sa bansa.
Batay sa pagsusuri ng 119 na seawater samples mula sa WPS, Philippine Rise, Sulu Sea, at iba pang bahagi ng arkipelago, natukoy na 1.5 hanggang 1.7 beses na mas mataas ang lebel ng isotope sa WPS kumpara sa ibang sampling sites.
Pinangunahan ng DOST-Philippine Nuclear Research Institute, UP MSI, at University of Tokyo ang pag-aaral, na pinondohan ng DOST-National Research Council at DOST-PCAARRD.
Ang resulta ay tumutugma sa mga nakaraang pag-aaral ng China na nagpakita ng iodine-129 sa Yellow Sea, na nagmula sa nuclear weapons tests at nuclear fuel reprocessing facilities sa Europe, na nakarating sa tubig at ilog sa hilagang-silangang China.













