Naghain si Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ng Senate Bill No. 1587 na naglalayong itakda sa Marso 30, 2026 ang kauna-unahang parliamentary elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Layunin ng panukala na amyendahan ang Bangsamoro Organic Law upang malinaw na maitatag ang legal na batayan ng halalan.
Kabilang sa mga probisyon nito ang pagtatakda ng pagsisimula ng termino ng mga kandidatong mananalo sa Abril 30, 2026, at ang pagsasabay ng mga susunod na eleksiyon sa BARMM sa national elections sa 2028 at tuwing tatlong taon pagkatapos nito.
Ayon kay Zubiri, mahigit anim na taon na ang nakalipas mula nang itatag ang BARMM, ngunit hindi pa nabibigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na bumoto para sa sarili nilang mga lider sa pamamagitan ng isang regular na halalan.
Sa ilalim ng panukala, mananatili ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) bilang pansamantalang pamahalaan hanggang sa maupo ang mga bagong opisyal na ihahalal sa pamamagitan ng automated election system.
Nilalayon ng panukala na palakasin ang demokratikong proseso sa rehiyon at tiyakin ang maayos na transisyon patungo sa isang halal na pamahalaang Bangsamoro.













