Iginiit ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ang mga dokumentong lumabas kamakailan na iniugnay sa ASEAN Summit 2026 ay hindi naglalaman ng sensitibo o classified na impormasyon.
Ayon sa DICT, ang mga lumabas na dokumento ay pang-administratibo at preparatoryo lamang, at hindi kasama ang agenda ng ASEAN, opisyal na deliberasyon, o talakayan sa polisiya.
Siniguro rin ng ahensya na wala pang ebidensya na nakompromiso ang kanilang mga sistema o ang mga classified materials kaugnay ng summit.
Dagdag pa ng DICT, kasalukuyang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang insidente, at pinapalakas na rin ang mga cybersecurity measures bilang paghahanda sa pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit 2026.
Ang pahayag ng DICT ay naglalayong mapawi ang pangamba ng publiko at tiyakin na ang mahahalagang impormasyon kaugnay ng summit ay nananatiling ligtas.













