Nagharap sa korte sa Estados Unidos ang dating beauty queen at aktres na si Melanie Marquez at ang kanyang asawa na si Randy Lawyer, kaugnay ng mga alegasyon ng umano’y pang-aabuso sa kanilang relasyon.
Ito ay naganap isang linggo matapos isapubliko ni Marquez ang mga problemang kanyang kinaharap sa piling ng kanyang Amerikanong asawa. Ayon sa mga pahayag ni Marquez, kabilang sa kanyang mga alegasyon ang pisikal na pananakit na umano’y nagsimula pa noong 2022.
Sinabi rin ni Marquez na ang pinakahuling insidente ng umano’y pananakit ay naganap noong Oktubre 23, 2025.
Isinagawa ang pagharap ng mag-asawa sa 6th District Court sa Sevier County, Richfield, Utah, bilang bahagi ng petisyon ni Marquez para sa isang Permanent Protection Order. Layunin ng naturang petisyon na ipagbawal ang paglapit ni Lawyer kay Marquez upang matiyak ang kanyang kaligtasan.













