-- ADVERTISEMENT --

Nagprotesta ang libu-libong mamamayan sa Denmark at Greenland upang tutulan ang pahayag ni U.S. President Donald Trump hinggil sa posibilidad ng pagbili ng Estados Unidos sa Greenland mula sa Denmark.

Iginiit ng mga nagprotesta na ang kapalaran ng Arctic territory ay dapat pagdesisyunan ng mismong mamamayan ng Greenland. Sa Copenhagen, Denmark, nagmartsa ang mga demonstrador patungo sa embahada ng Estados Unidos.

Paulit-ulit nilang isinigaw ang panawagang “Greenland is not for sale,” habang may dala-dalang mga banner na may nakasulat na “No means No” at “Hands off Greenland.” Tinatayang mahigit 20,000 indibidwal ang lumahok sa naturang protesta, ayon sa mga lokal na ulat.

Samantala, sa Nuuk, ang kabisera ng Greenland, daan-daang demonstrador ang nagtipon at nagmartsa patungo sa konsulado ng Estados Unidos. Kabilang sa mga lumahok si Greenland Prime Minister Jens-Frederik Nielsen.

Makikita ang mga nagprotesta na may hawak na bandila ng Greenland at Denmark, pati na rin ng mga plakard na nagpapahayag ng pagtutol sa panukala ng U.S. president.

Matatandaang sinabi ni Trump na mahalaga ang Greenland sa seguridad ng Estados Unidos dahil sa estratehikong lokasyon nito sa Arctic at sa mayamang reserba ng mga mineral.

Gayunman, mariing tinututulan ng Denmark at Greenland ang anumang hakbang na maglalagay sa teritoryo sa ilalim ng kontrol ng ibang bansa, at binibigyang-diin ang karapatan ng Greenland na magpasya para sa sarili nitong kinabukasan.