Maglalabas ang Department of Health (DOH) ng bagong guidelines para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) bago matapos ang Pebrero ngayong taon.
Layunin ng bagong patakaran na gawing mas accessible at mas kumpleto ang tulong medikal sa mga pasyenteng kapos sa pananalapi.
Ayon kay Health Spokesperson Asec. Albert Domingo, alinsunod ang guidelines sa direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr., na nagbabawal sa paggamit ng guarantee letters mula sa mga elected officials para mabayaran ang hospital bills ng mga pasyente sakop ng probisyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
Pinalalawak ng DOH ang saklaw ng benepisyo ng MAIFIP upang maisama ang outpatient at specialized services.
Kasama rito ang ambulatory care, surgical clinics, eye centers, ophthalmology services, dental services, free-standing dialysis clinics, at mga gamot na aprubado ng Food and Drugs Administration (FDA).
Isa sa pinakamahalagang pagbabago, ayon kay Asec. Domingo, ang pagsasama ng professional fees ng mga doktor, na magbibigay ng mas komprehensibong tulong sa mga pasyenteng nangangailangan.











