-- ADVERTISEMENT --

NAKHON RATCHASIMA, THAILAND — Hindi bababa sa 29 katao ang nasawi at mahigit 60 ang nasugatan matapos mabagsakan ng isang construction crane ang isang pampasaherong tren na bumiyahe mula Bangkok patungong Ubon Ratchathani sa hilagang-silangang bahagi ng Thailand, Miyerkules ng umaga.

Ayon sa mga opisyal, bandang alas-9:10 ng umaga nang mangyari ang insidente habang nasa bilis na humigit-kumulang 120 kilometro kada oras ang tren na may sakay na tinatayang 200 pasahero.

Bumagsak ang malaking crane sa riles, dahilan upang madiskaril ang tren at tumagilid ang ilang bagon.

Ang ikalawa at ikatlong bagon ang pinakamatinding napinsala, at nagkaroon pa ng sunog sa isa sa mga ito.

Kinumpirma ng Nakhon Ratchasima Provincial Public Health Office na walong sugatan ang nasa kritikal na kondisyon.

Ayon naman sa lokal na pulisya, posible pang madagdagan ang bilang ng mga nasawi dahil may mga katawan pang hindi agad narekober mula sa mga wasak na bagon.

Ipinahayag ng isang train staff na saksi sa insidente na agad siyang tumulong sa mga sugatan, ngunit nahirapan ang mga rescuer na makapasok sa ilang bahagi ng tren dahil sa apoy at nagkalat na debris.

Ang crane na bumagsak ay ginagamit sa konstruksyon ng isang elevated high-speed railway, bahagi ng Thai-Chinese railway project na layong pagdugtungin ang Bangkok at Nong Khai, malapit sa hangganan ng Laos.

Ang proyekto ay kaugnay ng China’s Belt and Road Initiative.

Iniutos na ng Thai Transport Minister ang isang masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng aksidente at mapanagot ang mga responsable.

Samantala, patuloy ang rescue at recovery operations sa lugar ng trahedya.