Kinondena ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) ang tinawag nitong madugo at marahas na paraan ng Iran sa pagpigil sa mga nagaganap na protesta sa bansa.
Ayon sa Special Procedures ng UN Human Rights Council, malinaw itong paglabag sa karapatang pantao, lalo na ang sapilitang dispersal ng mga mapayapang protesta.
Binanggit din ng UN ang pag-aresto sa mga protester, kabilang ang mga bata, gayundin ang pag-atake sa mga pasilidad medikal bilang seryosong paglabag sa internasyonal na batas sa karapatang pantao.
Dahil dito, patuloy na nakikipag-ugnayan ang UN Human Rights Council sa mga awtoridad ng Iran upang talakayin ang sitwasyon at mapatunayan ang mga alegasyon ng paglabag.
Nanawagan ang UN sa pamahalaan ng Iran na agad itigil ang marahas na pagpigil sa mga protesta at igalang ang karapatan ng kanilang mamamayan sa mapayapang pagpapahayag.
Binigyang-diin ng UN ang kahalagahan ng pananagutan at pagpapanagot sa mga responsable sa mga insidente upang maiwasan ang lalo pang paglala ng sitwasyon at maprotektahan ang karapatang pantao ng lahat.













