KORONADAL CITY — Binawian ng buhay ang isang 22-anyos na motorcycle rider matapos masangkot sa vehicular accident sa national road sa Barangay Zone IV, Koronadal City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMSGT. Fely Bascon, Trffic Investigator ng Koronadal City PNP – Traffic Section, kinilala ang biktima na si alyas Aaron, binata at residente ng Purok Roxas, Barangay Concepcion ng lungsod.
Batay sa imbestigasyon ng Traffic Section ng Koronadal City Police, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo mula Tantangan patungong roundball ng Koronadal nang mabangga nito ang sinusundang sasakyan na minamaneho ni alyas Edu, 33 taong gulang, at residente ng Barangay Zone III.
Dahil sa tindi ng aksidente, nagtamo ng malubhang sugat ang biktima at agad na dinala sa South Cotabato Provincial Hospital, ngunit binawian din ng buhay habang ginagamot.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente.













