Boluntaryong sumuko ang apat (4) na dating miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)–Bungos Faction sa Philippine Army sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao del Sur, dala ang kanilang mga baril na ginamit umano sa armadong pakikibaka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, pormal na ipinrisinta ang mga sumukong indibidwal sa pamunuan ng militar sa himpilan ng 6th Infantry (Redskin) Battalion.
Pinangunahan ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, kasama si Lt. Col. Al Victor C. Burkley, Commanding Officer ng 6IB, ang pagtanggap sa kanila.
Kasabay ng kanilang pagsuko, isinuko rin ng mga dating rebelde ang ilang high-powered firearms, kabilang ang isang M16 rifle, isang M1 Garand rifle, isang M203 grenade launcher, at isang M79 grenade launcher.
Binigyang-diin ni Suscano na patuloy ang pagsisikap ng militar at iba pang ahensya ng pamahalaan upang mahikayat ang mga kasapi ng local terrorist groups na magbalik-loob at piliin ang landas ng kapayapaan kasama ang kanilang mga pamilya.
Hinikayat din ng opisyal ang iba pang natitirang miyembro ng armadong grupo na sumuko upang maiwasan ang panganib na dulot ng patuloy na karahasan.













