KORONADAL CITY — Retaliation o pagganti umano dahil sa sunod-sunod na matagumpay na operasyon kontra ilegal na droga ang itinuturong motibo sa grenade attack na naganap noong New Year’s Eve sa Barangay Dalapitan, Matalam, Cotabato, na ikinasugat ng 22 katao.
Ito ang kinumpirma ni Police Lt. James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Caang, retaliatory attack ang natukoy na motibo dahil napag-alamang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga ang mga suspek.
Sa isinagawang hot pursuit operation ay napatay ang isa sa mga suspek sa paghahagis ng granada matapos na manlaban sa mga otoridad.
Kinilala ang nasawing suspek na si Hammad Ansa, 40 taong gulang, may asawa, at residente ng Purok 6, Barangay Kilada, Matalam.
Matatandaan na ang masayang pagdiriwang ng New Year’s party ng mga biktima malapit sa highway ang binulabog matapos ang biglang pagdaan ng mga suspek na sakay ng itim na Yamaha Baja na motorsiklo at naghagis ng pampasabog sa kanilang direksyon.
Samantala, nagpahayag ang Provincial Government ng Cotabato na magbibigay sila ng tulong at ayuda sa lahat ng mga biktima ng insidente.
Ipinasisiguro naman ng pulisya na mahigpit ang seguridad sa lugar habang patuloy ang pagtugis sa isa pang kasabwat ng nasawing suspek.













