-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Nakatakdang sumailalim sa operasyon ang isang 20-anyos na college student matapos masabugan ng kwitis sa mukha habang naliligo sa isang swimming pool sa bayan ng Norala, South Cotabato, kasabay ng selebrasyon ng Bagong Taon.

Kinilala ang biktima na si Sam Lorenz Malandaya, residente ng Barangay Poblacion, Norala.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jovy Dumaquita, lola ng biktima, ipinaalam lamang sa kanila ang nangyari kay Sam bandang alas-4 ng hapon noong Enero 1, 2026 matapos na sumama sa kanyang mga barkada si Sam na maligo sa Nocil Resort.

Habang nagbibiruan umano ay nagsindi ng kwitis ang isa sa kanyang kaibigan at sa hindi inaasahang pagkakataon, lumipad ito patungo kay Sam at sumabog, na nagdulot ng pinsala sa kanyang mukha.

Agad na dinala ang biktima sa pinakamalapit na ospital upang mabigyan ng paunang lunas, ngunit inilipat sa Soccksargen Hospital sa General Santos City upang isailalim sa operasyon.

Kaugnay nito, nanawagan ang lola ng biktima ng tulong para sa pagpapagamot ni Sam.

Kasabay ng panawagan, pinaalalahanan niya ang lahat na huwag gawing biro ang pagsindi ng kwitis o anumang uri ng paputok, lalo na kapag nag-iinuman o nagbibiruan, upang maiwasan ang disgrasya.