-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Hinikayat ni Nicolas Torre III, dating hepe ng Philippine National Police at kasalukuyang General Manager ng Metropolitan Manila Development Authority, ang mga Pilipino na muling sariwain at isabuhay ang mga aral ng pambansang bayani na si José Rizal.

Ito ang pahayag ni General Torre matapos siyang dumalo sa ika-129 anibersaryo ng martiryo ni Rizal na ginanap sa Koronadal City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, binigyang-diin ni Torre ang kahalagahan ng patuloy na pag-alala sa sakripisyo ni Rizal na nagsilbing daan upang makamtan ng mga Pilipino ang kalayaan laban sa mga mananakop.

Ayon pa kay Torre, ang mga aral ni Rizal ay patuloy na nagsisilbing gabay sa bawat Pilipino upang pairalin ang pagmamahal sa bayan, malasakit sa kapwa, at diwa ng pagiging makabayan, mga halagahang mahalaga sa pagpapatibay ng ugnayan at pagkakaisa ng mga komunidad.

Bagama’t kinikilala ang pagkakaiba-iba ng mga Pilipino, iginiit ni Torre na ang mga ito ay dapat gawing lakas upang makamit ang tunay at pangmatagalang pagkakaisa ng bansa.

Dumalo rin si General Torre sa ilang aktibidad sa lungsod bilang bahagi ng paggunita sa Rizal Day 2025 at pagbibigay-pugay sa pambansang bayani.

Ang programa ay dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng South Cotabato at ng City Government of Koronadal, gayundin ng mga kinatawan ng pulisya, militar, at mga Koronadaleño na sama-samang nagbigay-pugay at nag-alala sa kabayanihan at sakripisyo ni Rizal para sa bayan.