-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umabot na sa anim (6) ang naitalang kaso ng fireworks-related injuries sa probinsya ng South Cotabato ngayong kapaskuhan.

Ayon sa datos ng South Cotabato Provincial Epidemiology and Surveillance Unit, ang pinakabatang biktima ay anim na taong gulang, na naapektuhan ng paggamit ng illegal na paputok.

Ang nasabing menor de edad ay nagmula sa bayan ng Tantangan, South Cotabato.

Sa kabuuang bilang, lima (5) ang naitalang outpatients, habang isa naman ang kinailangang i-admit sa ospital.

Bawat lugar sa probinsya ay nakapagtala ng tig-iisang kaso: Koronadal City, Polomolok, Tampakan, Tantangan, Tupi, at T’boli.

Kaugnay nito, nanawagan si Police LtCol. Peter Pinalgan Jr., hepe ng Koronadal City PNP, sa publiko na iwasan ang pagbili at paggamit ng illegal na paputok. Pinayuhan din niya ang lahat na manatiling alerto at mag-ingat sa nalalapit na pagtatapos ng taon.