-- ADVERTISEMENT --

Nagbalik-loob sa pamahalaan ang siyam na dating violent extremists sa himpilan ng 1st Brigade Combat Team sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, nitong December 17, 2025.

Sa mga sumuko, isa (1) ang dating kasapi ng Dawlah Islamiyah (DI), habang walo (8) naman ang mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Kabilang sa kanila si alyas “Tata,” anak ng yumaong tagapagtatag ng BIFF, na nagpahayag ng kanyang matibay na pasya na tuluyan nang talikuran ang armadong pakikibaka.

“Napagtanto ko na wala talagang patutunguhan ang walang saysay na armadong pakikibaka. Ang nais ko ngayon ay makasama ang aking pamilya, magbagong-buhay, at mamuhay nang tahimik at marangal,” ani alyas Tata sa isang panayam.

Ipinakita ng siyam ang kanilang pagbabalik-loob kay Col. Rommel S. Pagayon, Acting Commander ng 1BCT, sa Brgy. Pigcalagan, Sultan Kudarat. Kasama sa isinukong armas ang isang Ultimax rifle, Barrett, Carbine, Ingram rifle, M16, M14, Garand rifle, Mortar, at Springfield rifle.

Sinaksihan ang seremonya ng mga punong ehekutibo ng bayan, kabilang sina Mayor Omar Ali ng Datu Salibo, MDS; Bassir Akmad Utto Jr., kinatawan ni Mayor ng Datu Saudi Ampatuan, MDS; at Ebrahim Guno, punong barangay ng Dapiawan, DSA, MDS.

Pinuri ni Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6ID at JTF Central, ang hakbang ng mga dating kalaban ng pamahalaan. Aniya, ang kanilang pagbabalik-loob ay patunay na mas pinipili na ngayon ng marami ang kapayapaan kaysa karahasan.

“Patuloy na nananawagan ang 6ID at JTF Central sa lahat ng nalalabing kasapi ng armadong grupo na samantalahin ang pagkakataong ito—may puwang ang pagbabago, may pag-asa ang pagbabagong-buhay, at may suporta ang pamahalaan para sa isang mapayapa at marangal na kinabukasan,” dagdag pa niya.

Aniya rin, mananatiling bukas ang mga unit ng Kampilan Division, katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, sa pagtulong sa mga nais magbalik-loob at muling makapamuhay nang maayos sa kanilang komunidad.