-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa banggaan na ikinasawi ng isang tricycle driver at ikinasugat ng isang motorcycle rider sa General Santos Drive corner Depita Street, Brgy. Zone III, Koronadal City, pasado alas-1:30 ng madaling araw nitong Disyembre 19.

Kinilala ni Koronadal PNP Traffic Investigator MSgt. Fely Bascon ang nasawing biktima na si alyas Randy, 66 anyos, residente ng Brgy. San Roque ng lungsod.

Nagmula sa Robredo Street ang tricycle at patungo na sana sa Balmores Street nang salpukin ito ng motorsiklong minamaneho ni alyas Mark, 21 anyos, residente ng Banga, South Cotabato.

Ayon pa kay Bascon, may kabilisan ang takbo ng motorsiklo at papunta pa sana sa Davao ang rider nang mangyari ang insidente kung saan dahil sa lakas ng banggaan, nagliyab ang motorsiklo.

Agad namang na-rescue si Mark ng kasunod na motorista bago pa man makasama sa pagliyab ng motorsiklo nito kaya’t nagtamo lamang ito ng paso sa paa.

Napag-alaman na kapwa isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival ang tricycle driver.

Pinaniniwalaang lasing ang driver ng motorsiklo base sa naging paunang assessment ng mga rescuer.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng Koronadal PNP Traffic ang mga sangkot na sasakyan.

Muli namang nanawagan ang Traffic section sa mga motorista na magdahan-dahan sa pagmaneho ng sasakyan at iwasang magmaneho na lasing upang hindi masangkot sa aksidente sa daan.