KORONADAL CITY – Nauwi sa shootout ang police operation sa Sitio Dima, Barangay Paatan, Kabacan, Cotabato, nitong Martes, December 16, na ikinamatay ng lima katao, kabilang si Ibrahim Macalnas, kilala bilang “Commander Bikog.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PLt. Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, kabilang sa mga napatay sina Datukan Macalnas, Ismael Luncayao, at dalawang hindi pa nakikilala na kasama kung saan dalawa rin sa kanila ay may kinakaharap na kasong murder.
Ayon kay Caang ang operasyon ay isinagawa matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga kapitbahay hinggil sa iligal na bentahan ng shabu at pagtatago ng mga walang lisensyang armas sa kanilang hideout.
Dito rin sana ipatutupad ang warrant of arrest laban kay Commander Bikog kaugnay ng kasong pamamaril-patay sa isang nagtitinda ng pandesal gamit ang tricycle ilang buwan na ang nakalipas. Sa engkwentro, narekober ng mga pulis ang iba’t ibang matataas na kalibre ng baril kabilang ang isang assault rifle, dalawang .45 caliber pistols, isang gauge 12 shotgun, at isang 9 millimeter pistol.
Nakumpiska rin ang P20,400 halaga ng shabu mula sa mga naaresto na sina Monera at Teggy Macalnas, na kasapi rin ng grupo. Dagdag pa ng opisyal, ang operasyon ay ipinatupad upang isilbi ang multiple search warrants mula sa Regional Trial Court Branch 22 sa Kabacan.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon upang tukuyin ang mga hindi pa nakikilalang mga napatay at masiguro ang buong kaligtasan ng komunidad. Naghahanda rin ang pulisya sa posibilidad na retaliation mula sa tagasuporta o kasamahan ng mga nasawi.













