-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Malaking kawalan sa teroristang Dawlah Islamiyah–Hassan Group (DI-HG) ang pagkamatay ng itinuturing nilang pinakamataas na lider at bihasang bomb expert sa isinagawang operasyon ng militar sa Brgy. Satan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong Disyembre 7, 2025.

Ito ang inihayag ni LtCol. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang nasawing terorista na si Ustadz Mohammad Usman Solaiman, Amir ng Dawlah Islamiah at kapatid ng nasawing si Ustadz Kamaro Usman, na napatay noong Marso 2020 kasama ang dating kumander ng BIFF–Karialan Faction na si Kumander Badi.

Kilala rin si Solaiman bilang ekspertong bomb maker at pamangkin ng kilalang teroristang si Basit Usman, na dating gumagawa ng mga pampasabog para sa Special Operations Group ng BIFF at may koneksyon sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya.

Ayon pa kay Suscano, Si Solaiman at ang kasamang si Norodin Hassan alias Andot, Emir for Military Affairs ng Dawlah Islamiyah Hasan Group, ang mga natitirang mataas na alagad ng dating lider na si Abu Azim, na napatay sa Mamasapano noong Disyembre 2021.

Itinuturing ang grupo ni Solaiman bilang nasa likod ng serye ng karahasan sa Mindanao. Kabilang dito ang pambobomba sa isang Rural Bus noong Abril 24, 2022 sa Parang, Maguindanao; ang magkasunod na pagpapasabog sa mga bus ng Yellow Bus Line noong Mayo 26, 2022 sa Koronadal City at Tacurong City; at ang muling pag-atake sa isa pang bus ng Yellow Bus Line noong Nobyembre 6, 2022 sa Barangay New Isabela, Tacurong City.

Sila rin ang pinaniniwalaang nasa likod ng Husky Bus bombings noong Abril 17, 2023 sa Isulan Integrated Terminal, ang pag-ambush sa mga kasundaluhan sa Barangay Tuayan, Datu Hoffer Ampatuan, at ang brutal na pagpatay sa tatlong sibilyang negosyante mula Batangas. Sa ngayon, patuloy pa ring tinutugis ng militar ang ilan pang natitirang miyembro ng teroristang grupo.

Inihayag pa ni LtCol. Suscano na patuloy nilang hinihikayat ang natitirang kasapi ng Dawlah Islamiyah na isuko ang kanilang armas at sarili upang makapagsimula ng bagong buhay kasama ang kanilang pamilya.