Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang hinihinalang carnapper na tumangay ng isang mamahaling Nissan Patrol sa lungsod ng General Santos.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jimar Alvarez Taburnal,nasa legal na edad at trabahante rin ng may-ari ng sasakyan.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente kaninang bandang alas-10 ng umaga sa Purok Maunlad, Barangay Apopong sa nabanggit na lungsod.
Agad namang isinagawa ang hot pursuit operation sa pamumuno ni PCol. Nicomedes P. Olaivar Jr., na nauwi sa pagkakasukol sa suspek sa Zone 9, Brgy. Fatima.
Nakuhan pa ng video na nagmatigas ang suspek at tumangging lumabas ng sasakyan, kaya kinailangan ng mga operatiba na basagin ang salamin gamit ang bato at baril upang maaresto ito.
Sinubukan pa nitong tumakas, ngunit agad siyang nadakip ng operating team mula sa Regional Mobile Force Battalion-12.
Mabilis namang naibalik sa may-ari ang sasakyan dahil sa maagap na koordinasyon ng pulisya at tulong ng mga concerned citizens.
Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ang nahuling suspek.












