-- ADVERTISEMENT --

Nailibing nang buhay ang dalawang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 2 matapos gumuho ang lupa sa bahagi ng Sta. Praxedes, Cagayan ngayong araw.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Sta. Praxedes, nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng inspeksiyon ang mga biktima sa bahagi ng kalsadang unang naiulat na bahagyang gumalaw dahil sa halos walang tigil na pag-ulan. Dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan nitong mga nagdaang araw, lumambot ang lupa sa gilid ng bundok at bigla itong bumigay, dahilan para matabunan ang dalawang tauhan.

Kaagad na rumesponde ang MDRRMO, Bureau of Fire Protection, at lokal na PNP para sa clearing at retrieval operations. Nag-deploy din ang DPWH ng heavy equipment upang mas mapabilis ang paghakot ng debris at paghahanap sa mga natabunang biktima.

Batay sa hazard maps ng government agencies, kabilang ang Sta. Praxedes sa mga landslide-prone areas sa Region 2, kung saan madalas magkaroon ng pagdausdos ng lupa sa tuwing may tuloy-tuloy na pag-ulan. Dahil dito, nanawagan ang mga awtoridad sa mga residente na naninirahan malapit sa bulubunduking bahagi na maging alerto at sumunod sa anumang abiso ng local government hinggil sa posibleng pre-emptive evacuation.

Patuloy namang iniimbestigahan ng DPWH at lokal na pamahalaan ang eksaktong sanhi ng pagguho, habang nagpapaabot ng pakikiramay ang ahensya sa pamilya ng mga nasawing opisyal.