KORONADAL CITY – Magpatawaran po tayo, lahat ng tao nagkakamali. Ito ang taos-pusong pahayag ni Ryan Malinog, ama ng dinukot na sanggol sa South Cotabato Provincial Hospital, matapos nilang tuluyang patawarin ang suspek na si Princess.
Ayon kay Malinog, labis ang kanilang pasasalamat sa suspek dahil sa kabila ng nangyaring insidente, inalagaan umano nito ang kanilang anak. Ani pa niya, grabe ang tiwala at pag-asa na ibinigay nila kay Princess noon dahil sa sakripisyong ginawa nito para sa bata.
Pero hindi niya itinangging masakit ang natuklasan na ang mismong taong pinagkatiwalaan nila ang nagbalak na gumawa ng masama. Sa kabila nito, pinili nilang magpatawad.
“Hindi kita gustong saktan kasi hindi mo pinabayaan ang anak ko. Sana hindi mo na ulitin sa iba. Napakasakit bilang ama na mawalan ng anak,” pahayag ni Malinog. Dagdag pa niya, umaasa siyang makarekober si Princess mula sa pinagdadaanan nitong sitwasyon.
Dahil sa kanilang pagpapatawad, hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya laban sa suspek.
Sa ngayon, ligtas na si Baby Yanna at naibalik na sa kanyang mga magulang. Dumagsa rin ang suporta ng komunidad, at marami na ang nagkusang maging instant ninong at ninang ng sanggol.











