-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Sugatan ang isang driver na empleyo ng DPWH Region 12, kaninang hapon, Nobyembre 20,2025 matapos araruhin ng sasakyan na minamaneho nito ang center island sa bahagi ng National Highway, Barangay Pukay-Pait, Tantangan, South Cotabato.

Ayon sa Tantangan Municipal Police Station, agad na rumesponde ang kanilang mga tauhan sa pangunguna ng duty investigators na sina PSSg Kayle Harold Corpuz at PCpl Raymark Legas.

Pagdating sa lugar, tumambad ang isang DMAX 4×2 LS MT double cab utility vehicle na halos tuluyang nawasak.

May plate number itong AOA 1231, rehistrado kay alyas Demi, at minamaneho ni alyas Jay, 26 anyos, DPWH-12 engineer at residente ng SPDA, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nag-overtake ang driver sa isang van ngunit hindi niya napansin ang pagtatapos ng three-lane section ng kalsada. Nang tangkaing bumalik sa main lane, sumalpok siya sa center island, dahilan ng kanyang pagkasugat at pagkawasak ng sasakyan.

Agad naman na dinala sa ospital ang driver para sa agarang medikasyon, habang tinatayang umabot sa ₱600,000 hanggang ₱700,000 ang pinsala sa sasakyan.

Sa ngaon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente.