KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ng militar ang siyam (9) na dating miyembro ng Communist Terrorist Group o CTG na kusang sumuko sa 37th Infantry Battalion noong Oktubre 30, 2025, sa Sultan Kudarat.
Kasama sa operasyon ang Philippine Army Intelligence Unit at 2nd Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company.
Ang grupo ay nagsumite ng tatlong M1 Garand rifles at isang .45 caliber pistol. Pormal silang tinanggap ni Brigadier General Michael Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, at ni Kalamansig Mayor Ronan Garcia sa isang seremonya sa Kalamansig Municipal Hall.
Ayon sa opisyal, pinili ng mga sumuko na ngayo’y tinatawag na ‘Friends Rescued’,ang mamuhay ng payapa dahil sa hirap, mga pangakong hindi tinupad ng CTG, at patuloy na presyur mula sa militar. Pinangako ni LTC Christopherson Capuyan, Commanding Officer ng 37IB, na patuloy silang susuportahan sa kanilang reintegration sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Binigyang-diin ni BGen. Santos ang katapangan ng mga sumuko at ang simbolo ng pag-asa at bagong simula na dala nito. Tiniyak din ng pamahalaan at ng militar ang kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Central Mindanao.
Ayon sa mga awtoridad, pinapakita ng insidenteng ito ang tagumpay ng Whole-of-Nation Approach sa ilalim ng Executive Order No. 70, na naglalayong wakasan ang lokal na armadong komunistang tunggalian sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng militar, lokal na pamahalaan, at komunidad.
Hinimok din ng militar ang natitirang miyembro ng CTG na isuko ang kanilang armas at mamuhay ng payapa, kasabay ng patuloy na kampanya para sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.”












