Patuloy ang pagtutok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Special Geographic Areas, at Region 12.
Ito ang ibinahagi ni Lt. Col. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, Philippine Army, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Suscano, isa sa mga patunay ng patuloy na kampanya para sa kapayapaan ang pagpapresenta ng 38th Infantry Battalion (38IB) sa Provincial Capitol ng Koronadal City ng 16 na nagbalik-loob sa pamahalaan, 9 na dating rebelde at 7 na dating violent extremist.
Itinurn-over din ng mga ito ang kanilang mga armas kabilang ang M1 Garand rifles, M2 carbines, M653 rifles, improvised M16 rifles, homemade M79 grenade launchers, at 7.62mm rifles.
Sa ngayon, ang mga Former Rebels (FRs) at Former Violent Extremists (FVEs) ay kasalukuyang bineberipika ng Joint AFP–PNP Intelligence Committee at isasailalim sa De-radicalization at Reintegration Program sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Samantala, labindalawang (12) matataas na kalibre ng armas naman ang isinuko sa Poblacion, Talitay, Maguindanao del Norte, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng LGU Talitay, 1st Mechanized Battalion, at 601st Infantry (Unifier) Brigade ng 6th Infantry (Kampilan) Division.
Dagdag pa ni Lt. Col. Suscano, ang mga naturang pagsuko ay malinaw na indikasyon ng tagumpay ng kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at mga residente sa mga komunidad.













