KORONADAL CITY – Pinuna ni Gobernador Reynaldo S. Tamayo, Jr. ang kamakailang pahayag ng Land Transportation Office Chief na si Asec. Markus V. Lacanilao, na kanyang tinawag na hindi kailangan, hindi propesyonal, at kawalang-galang sa mga lokal na opisyal.
Ayon kay Gobernador Tamayo, ang pahayag ng LTO Chief na “lahat ay pananagutin” sa kampanya laban sa korapsyon ay labis na hindi angkop at nagdudulot ng hindi kinakailangang duda sa mga opisyal na walang kinalaman sa mga isyu ng ahensya.
Sinabi rin niya na nakipag-ugnayan siya sa LTO Region 12 Regional Director na si Melharrieh Tomawis at nalaman na kabilang ang rehiyon sa pinakamahusay na revenue collection performance sa Mindanao, patunay ng maayos at transparent na operasyon ng ahensya.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay bumisita sa Region 12 si Lacanilao at kinumpirmang inilipat muna sa central office si Tomawis dahil sa imbestiigasyon sa nabunyag na umanoy pagpaparehistro ng mga smuggled car.
Tinuligsa rin ng gobernador ang pagbibida ni Lacanilao tungkol sa umano’y pag-aresto sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, na inilarawan niya bilang katawa-tawa at kawalang-galang.
Binigyang-diin ni Tamayo na ang serbisyo publiko ay dapat nakabatay sa integridad, kababaang-loob, at pagtutulungan, at hindi sa mga pahayag na nakakahati at nagpapahina sa tiwala ng publiko sa gobyerno.













