Bumagsak ang isang helicopter sa kabundukan ng Barangay Sabud, Loreto, Agusan del Sur ngayong Martes ng umaga, Nobyembre 4, 2025.
Ayon sa Eastern Mindanao Command (EastMinCom), ang helicopter ay nakatakdang suportahan ang Humanitarian Assistance at Disaster Response operations para sa Bagyong Tino nang bumagsak ito.
Iniulat ng mga residente na nakita nila ang mga debris at personal na gamit sa lugar, at pinaniniwalaang nasunog ang lahat ng sakay. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad at magbibigay ang EastMinCom ng karagdagang detalye habang umuusad ang pagsusuri.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Air Force (PAF) na isa sa kanilang Super Huey helicopters ang nakaranas ng aksidente sa himpapawid ngayong Nobyembre 4 sa Agusan del Sur.
Ang naturang eroplano ay bahagi ng apat na helicopters na umalis mula Davao patungong Butuan para sa Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA).
Ayon sa PAF, nawalan ng komunikasyon ang eroplano kaya agad isinagawa ang Search and Rescue operation (SAR).
Samantala, isinasagawa na ng PAF ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng aksidente.













