KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring salpukan ng kotse at motorsiklo sa bahagi ng Barangay Paraiso, Koronadal City pasado alas-sais ng gabi nitong Linggo, Oktubre 26, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMSg Fely A. Bascon, nakilala ang mga sangkot na sina alyas Eva, 49-anyos, residente ng Barangay General Paulino Santos, na siyang nagmamaneho ng Toyota Vios na kulay orange metallic, at si alyas Allan, 28-anyos, residente ng Barangay Paraiso, na nagmamaneho naman ng Skygo 125 na motorsiklo.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na habang binabagtas ng Vios ang kurbadang bahagi ng kalsada sa tapat ng Golden Valley Eternal Garden, bigla umanong tumawid sa linya ng kalsada ang motorsiklo at sumalpok nang harapan sa kotse.
Dahil sa lakas ng impact, parehong nagtamo ng mga sugat ang dalawang driver at agad dinala sa South Cotabato Provincial Hospital. Gayunman, idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Mark Archeda ang driver ng motorsiklo.
Dagdag pa ni Bascon na kumpirmado nitong parehong sasakyan ay nagtamo ng pinsala na patuloy pang tinataya ng mga awtoridad habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Muli namang nanawagan ang opisyal sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho ng sasakyan upang makaiwas sa aksidente.












