-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa reklamo ng isang babae na umano’y minolestiya ng isang tricycle driver sa Koronadal City habang pauwi mula sa Rose Pharmacy patungong Barangay Zone 2.

Batay sa salaysay ng biktima, naganap ang insidente habang magkasakay sila ng kanyang kaibigan sa naturang tricycle. Ayon sa kanya, habang nasa biyahe ay tumanggap pa ng tawag sa cellphone ang drayber at sinabing may susunduin pa umano siya.

Ngunit pagdating nila sa kanilang destinasyon, paglapag umano ng biktima ay bigla siyang hinimasan ng driver sa hita at sabay pang nagsabing “hindi niyo na kailangang magbayad,” habang nakangiti.

Dahil sa labis na pagkagulat at takot, agad na bumaba ang biktima at hindi na nito alam kung sisigawan o hahabulin ang drayber. Aniya, nanginginig siya sa takot at trauma sa ginawa ng suspek.

Pagkatapos ng pangyayari, ibinahagi ng biktima ang kanyang karanasan sa social media at nanawagan sa mga awtoridad na aksyunan ang reklamo laban sa naturang drayber na may plakang MTOP 0541.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Sonny Allado, Deputy Operation Officer ng City Traffic Management Division, kanyang kinumpirma na isinailalim na sa imbestigasyon ang insidente at nakikipag-ugnayan na sila sa LTO at PNP upang matukoy at mapanagot ang naturang drayber.

Dagdag pa ni Allado, hindi kukunsintihin ng lokal na pamahalaan ang ganitong uri ng pang-aabuso, at tiniyak niyang mapapatawan ng karampatang parusa ang sinumang drayber na lalabag sa batas at sa etikal na pamantayan ng kanilang hanapbuhay.