KORONADAL CITY – May na-identify nang persons of interest ang mga otoridad kaugnay sa insidente ng pamamaril-patay sa isang lalaki sa Barangay El Nonok, Banga, South Cotabato, pasado alas-7 ng gabi nitong Sabado, Oktubre 25, 2025.
Ito ang kinumpirma ni PLTCOL Robert T. Laguitao, hepe ng Banga Municipal Police Station, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang biktima na si Andi P. Sorongon, 42-anyos, residente ng Purok Katipunan sa nasabing barangay, na ayon sa ulat ay bumili lamang ng lechon bago siya barilin ng hindi pa nakikilalang suspek.
Ayon kay Laguitao, inamin ng kaanak ng biktima na nakatanggap ito ng banta sa buhay isang araw bago ang insidente. Patuloy ngayon ang imbestigasyon upang matukoy kung may kaugnayan sa nasabing death threat ang nangyaring pamamaril.
Dagdag pa ng opisyal, personal grudge ang isa sa mga tinitingnang motibo ng mga imbestigador, ngunit bukas pa rin ang pulisya sa iba pang mga anggulo na maaaring makapagturo sa tunay na dahilan at sa salarin.
Sinabi rin ni Laguitao na malaking tulong sa imbestigasyon kung may makuhang CCTV footage sa lugar upang magsilbing karagdagang ebidensya laban sa mga responsable sa krimen.
Nanawagan naman ang opisyal sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad ipaalam kung may impormasyon silang makatutulong sa pagresolba ng kaso.













